53. Bagong Gising Part II

Bakit ba kelangan pang bumwelo bago bumangon sa umaga?  Hindi ba pwedeng pagkagising ng diwa mo eh, didilat ka kaagad at tatawa na?  Teka, para naman atang baliw yun. 

Bigla ko lang tong naisip ngayon kasi antagal ko bumangon eh.

Naaalala niyo ba nung nasa skul pa tayo?  Pag kelangan gumising ng umaga – either pang umaga ka nung elementary or high school ka na.

Nung oras na yun, eh dun ko talaga naintindihan ang ibig sabihin ng “5 minutes”.  Hindi ako magaling sa math nun pero alam na alam ko kung gaano katagal ang 5 minuto.  Sa lahat ng oras, 5 minuto ang pinaka-tantsado ko.  Pagkagising sakin ng tita ko, yan kasi ang una kong sagot – “5 minutes pa please…”  Tapos balik sa baba si Tita.

After 5 minutes, si Manang Sheila naman ang gigising sakin.  “Huy, Tim-i!  Gising ka na daw sabi ni Ati!”

“5 minutes pa…”, sagot ko.  “Amoy tinapa ka, Manang Sheila…”

Balik sa tulug, este, tulog.

After 5 minutes, e lilindol na sa kwarto ko dahil pabalik nang aakyat si Tita.

“Tem-i Dimaputi!!!  GIGISING KA BA O KAKAININ MO ‘TONG TSINELAS KO???!!!”

After 5 seconds, nasa banyo na ako, nakapikit habang nagsasabon.

Hirap talaga ako bumangon, lalo na pag nakanood ako ng wrestling kagabi.

Pero pag field trip naman, alas-dos pa lang nang madaling araw e dilat na dilat ka na.

– Tem-i

Alas-siyete ang pasok ko sa iskul.  Pero 5 o’clock ako gumigising at 5:15 ako umaalis ng bahay.  Nasa iskul na ‘ko ng 5:30.  Hinahabol ko kasi yung most punctual award eh.  Tatlumpung minuto akong malungkot.  Hindi nakangiti.  Medyo nakasimangot.  Parang tulala.  Ganun talaga ‘pag bagong gising.  At huwag na huwag lang tatapat sa Lunes dahil pinakabadtrip na sandali ‘yan ng buhay ko.

Bakit ang bata e hindi mo makausap nang matino ‘pag bagong gising?  Nagiging masungit talaga e noh?  Walang sigla, wala pang ganang kumain.  Saka minsan e nasusuka pa ‘di ba?  Saka alam mo ‘yung pakiramdam na parang naiiyak ka pero hindi naman talaga?  Parang ganun.  Hindi ko rin maintindihan e.  What’s wrong with you early morning?!

Pare-parehas tayong mukhang badtrip ‘pag bagong gising.  Para tayong pinagsakluban ng langit at lupa habang dahan-dahang nginunguya ang semi-malamig nang pandesal sa mesa dahil sa tagal ng pagkakatengga.  Pero ‘pag weekend, masaya ang pagbangon sa umaga.  Sakto pa talagang maganda ang sikat ng araw at mainit na hotdog ang nakahain sa mesa.  Kikiligin ka pa habang nakikita mo ang usok na galing sa mainit na kanin at unti-unting nawawala sa ere.

May point si Tem-i e.  Hindi nga ba pwedeng nakangiti tayo agad paggising sa umaga?  Saka kapag nagkukuwentuhan sa gabi tapos nakatulog ka, hindi ba pwedeng paggising mo e dudugtungan mo agad ‘yung huling word sa huling sentence mo kagabi?

“Pagpasa kay Meneses…!”
(pagdilat ng mata kinabukasan…)
“Sabay dakdak panalo ang Sunkist!  Teka tulog ulit ako…”

– Tenco

5 comments

  1. Diwangtanglaw

    Makakarelate dito ang mga nagigising dahil sa alarm. Yung bang kasarapan pa ng paglalakbay mo sa paraisong panaginip e bigla ka na lang hihilahin ng reyalidad para gawin ang mga paulit-ulit na ritwal mo sa umaga.

    Magandang araw sa’yo!

  2. alasais

    Diwangtanglaw,

    Tumpak kaibigan. Tila baga inuutusan ka ng iyong kaisipang gawin ang mga bagay na paulit-ulit na nagaganap sa pang-araw-araw. At makalipas ng ilang oras ay sa kama rin ang iyong balik, tungo sa paraisong saglit lamang sa iyong utak mamumutawi.

    Ayan nahawa na ko sayo.

    – Tenco

  3. atetin

    Hindi rin ako morning person kaya pag gigising ako e dapat 30 minutes bago ako bumangon. Kumbaga sa sinaing e “nag-iin-in” pa hehe. Inggit ako sa kapatid ko kasi kahit anong oras s’ya matulog, lagi s’yang gising ng 6am. automatic yun! Babangon agad. samantalang ako, parang sasakyan na diesel, papainitin pa ang makina… sa almusal nakatulala, wala pa talaga sa diwa e hahaha. Ngumunguya pero malayo ang tingin. Kaya nga noong college ako, lagi akong nalalaglag sa hagdan ng dorm tuwing umaga dahil naka-hang pa ako. Laking tulong yung mga alarm ng cellphone na may snooze. Naka-set sa akin ng every 5 minutes para mainis talaga ako at mapilitang bumangon =)

  4. atetin

    Hindi rin ako morning person kaya hirap na hirap ako tuwing umaga. Kumbaga sa kanin, “nag-iin-in” pa. Para daw akong makinang diesel kasi kailangan pang painitin hehe. Inggit na inggit ako sa kapatid ko dahil kahit anong oras matulog iyon, gising s’ya palagi ng 6 am. Automatic na babangon yun! Samantalang ako, hanggang agahan, wala pa rin sa diwa. Ngumunguya pero malayo ang tingin….Lagi nga ako nalalaglag sa hagdan ng dorm noong college tuwing umaga kasi naka-“hang” pa ako pag bumababa ng hagdan. Malaking tulong ang alarm ng cellphones na may snooze. Every 5 minutes naka-set yung sa akin para makulitan na ako’t mapilitang bumangon.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s