Tagged: school supplies

57. Divisoria!

“Anak, bumangon ka na dyan at aalis na tayo.”

“Sa’n tayo pupunta, ma?”

“Sa Divisoria at dun tayo maghahanap ng uniporme mo.”

Kakambal na ng ilang major events sa buhay natin ang pagpunta sa Divisoria.  Mapapasko man o umpisa ng pasukan,  o basta kapag may kailangan kang bilhin, Divisoria ang nasa itaas ng lineup ng mga options mong puntahan.  Pwera nalang kung tipong nag-c-cramming na ‘yung nanay mo, malamang eh sa mall ang bagsak niyo.  Pero kelan ba nangyari ‘yun sa mga nanay natin?  So 94.53% of the time eh biyaheng Recto na ang sasakyan naming jeep.  Bakit kaya parang ang layo ng ruta nito mula sa bahay namin?

Divisoria ang pambansang SM ng Pilipinas.  Kung ang SM ay makamasa, ang Divisoria naman ay makatindero at tindera.  Wala lang, sinegway ko lang.  Gusto ko lang i-emphasize na napakaraming tindero at tindera dito.  Talagang kahit sa kalsada may mga nagtitinda eh.  Ano nga kaya ang pumasok sa utak ng mga naisip magdala ng sasakyan dito?  Nakasinghot ba sila ng rugby na hinalo sa Sprite?

Lahat na yata ng kaya nating maisip na pwedeng ibenta eh nasa Divisoria na.  Pigurin, orasan, tela, krayola, pulseras—ilan lamang ‘to sa mga samu’t-saring panindang makikita saan mang lupalop ng Divisoria.  Actually, meron nang mga helera ng tindahan pagkababa pa lang namin ng jeep ni mama around 100 meters from Divisoria’s boundary.  Okay ding mag-isip eh.  Mga labing-anim na minuto kaming maglalakad ng nanay ko bago namin matunton ang puso ng Divisoria—ang Tutuban Mall.  Ito na siguro ang pinaka high-end na mall dito.  Kumbaga, ito na ang closest thing to a mall.  Masarap naman kung kakain ka sa Tropical Hut pero andami nga lang tao.  Kung hindi mo trip sa Tutuban Mall, maglalakad ka nanaman ng mahigit sa labinlimang minuto para makapunta sa Divisoria Mall.  Ito ang hari ng wholesale.  Feeling ng ibang tindera dito e tindera rin ang nanay ko eh.

“Magkano limang pares ng medyas?”

“Madam kunin niyo na ho itong tatlong dosena, kapag wholesale makakatipid ka ng tatlong piso.”

Madalas bilhin ng nanay ko ang white polo at brown pants.  Isama mo na ang black shoes, puting sando, at Good Morning Towel.  Mura kasi talaga kung bibili ka ng maramihan.  Habang naglalakad-lakad kami para mamili eh sikreto akong naninipat kung saan banda ‘yung bilihan ng water gun.  Ang pagkakaalala ko eh sa 168 Mall pa kami nakabili nun.  Hindi ko nga lang maintindihan kung bakit nakahelera ‘yung mga water gun kasama ng mga gamit sa kusina at punda ng unan.

Tanong ko lang pala sa mga Intsik na nagtitinda rito, dagdag ba sa bayad ng renta ng pwesto niyo kung nakangiti kayo habang nagtitinda?

– Tenco

Sa mga mahinhin, “Divi”. Sa mga barker, “Sorya!”

Para sakin, ang Divisoria ay ang mas malagkit na pinsan ni Cubao. Kung masikip sa Cubao, eh puta mas masikip dito. Kung mainit sa Cubao, e syet na malagkit, mas mainit dito. At kung madaming snatcher sa Cubao, e tangina, pati brip at panty mo, itahi mo na sa pachungchang mo para di madenggoy sa Divisoria.

Kailangan mo ng isang baldeng Elmer’s Glue? Meron dito.

Kailangan mo ng kalderong sinlaki ng bath tub? Meron dito.

At kung kulang pa iyon at kailangan mo ng pitong libong placemats na may naka-burdang last supper, siguradong meron dito.

Dito ako unang nakakita ng mga tinderang nanghahaplos ng pera sa mga paninda nila. Para saan ba yun? Pampaswerte? Buena mano epek? Sa totoo lang, hindi ko alam. Pero kung bibigyan mo ako ng 237% discount sa limang pirasong sianse, eh sige lang Ate. Ihaplos mo yung bente pesos ko kahit sa mukha kong oiling-oily na. No problem.

Luis Biton. Mike. Adidax. Lacosta. Channel. Calvin Climb. Andito na lahat sa Divisoria.

Tem-i: Miss, magkano tong pantalon?
Tindera: 800 ser.
Tem-I: Mahal naman. Wala na bang tawad yan?
Tindera: Wala na po ser. Sagad na po yan.
Tem-i: Aah… sige, salamat na lang. (Paalis na ako, lilipat sa katabing tindahan)
Tindera: O sige ser, 150 na lang!

Pumunta ka dito pag pasko at lahat ng klaseng Santa Klaus eh makikita mo dito – Santa Klaus na tumatawa na parang witch, Santa Klaus na medyo kayumanggi (Santa Kulas), at Santa Klaus na mas payat pa kay Pepe Smith.

Parte na ito ng kulturang Maynila. Kahit di ka masyadong mahilig bumili ng gamit o damit, eh try mo lang pumunta dito para maramdaman mo ang DIVISORIA atmosphere. Kung gusto mong maging unforgettable ang experience mo dito, siguraduhing magdala ng madaming cash at isuot mo lahat ng mamahalin mong alahas.

Aaah… Soryasoryasoryasoryah!!!

– Tem-i