Summer, 1993:
“Nyaay! Bran awt nanaman! (sabay kambiyo).” Gabi-gabi no’n ay brownout. Black out daw ang tawag kung sobrang tagal at sobrang laki ng sakop ng perwisyo. Para sa batang kalyeng katulad ko, walang pinagkaiba yun. Nakaka-iritang isipin na tumutulo ang iyong pawis at walang elektrik fan na sasagip sayo.
Bagama’t nakakaperwisyong tunay ang ganitong sitwasyon ay meron pa ding mga masasarap na ala-ala ang brownout days. Ating alamin (by Jerry Geronimo):
1. Dahil sa brownout ay natutunan kong pwede palang idaan ang iyong daliri sa apoy ng kandila nang hindi ka napapaso. Pwede mo itong ipampasikat sa inyong mga batang pamangkin. Siguraduhin mo lang na naka-ready ang mga timba, tubig at ang mga kapitbahay nyo para sa sunog na parating.
Uncle Tem-i: “O-ha…O…O-ha…galeng no…”
2. Dahil sa brownout ay muling nagbalik ang mga masarap na laro sa dilim tulad ng taguan, cops and robbers at shempre pa ang bahay-bahayan sa gabi…hmmm…(figurative meaning ng “maglaro ng apoy”).
3. Ang hirap matulog pag brownout! Mas bwiset pa ito kesa sa Pritos Ring na hindi magkasya sa daliri!!! Balat-kalabaw kasi ako kaya pag walang elektrikpan eh unti-unti na akong natutunaw sa init at nagpapanic na ako. Pero huwag mag-alala! Eto ang teknik ko diyan. Habang nakahiga ka sa kama ay ilagay mo ang iyong isang kamay sa ilalim ng unan mo dahil sigurado ay meron itong lamig! Kapag nawala na ang lamig nito ay baligtarin mo lang ang unan at tadaan! Presko na ulit sa kamay!
4. Generator – Mas malakas pa ang status symbol na ito kesa sa pekeng Lacoste. Sa bawat pitumpung madidilim na bahay ay mayroong isang maliwanag na bahay na naka-generator. Vrrrrrrrrrrrrr…pugak..pugak…vrrrrrr!!! Sabi ni Bagoong (skwater kong katropa), “Tangina nyo! Aakyatin ko kayo!” Hehehe…Ginawa nga niya pagkatapos ng isang linggo.
5. Lamok. Ang panahon na ito ay ang panahon ng piyesta ng mga lamok na ‘yan. Halos maligo ako ng Caladryl tuwing brownout dahil andami kong kagat ng lamok.
Kayo? Ano pang mga memories nyo ng brownout?
-Tem-i
Sonic boom! Haduken! “O ako sunod na titira ha. Matalo palit.”. Sonic boom! Hadu…………………”Pucha bran awt na naman hindi na ko umabot! Badtrip talaga meralco!”. Kuhanan na ng kanya-kanyang tsinelas at takbuhan na palabas ng bahay. Hasel talaga ang brownout pero syempre hindi magpapatalo ang mga batang kalye at makakapag-isip pa rin ng pangontra sa hasel nito. Eto ang mga yun:
a) Ang paglalaro ng taguan – Magdasal ka na na sana hindi ikaw ang maging taya sa pompyang niyo. Dahil kapag nataya ka, malamang burot ka na. Sa dilim ba naman ng paligid kapag brownout e malamang malulusutan ka palagi at makakapag-base sila. “Boom pipoy! Save!” sabay takbo pa rin ang na-boom mo at magseseyb pa rin. “Hindi ako si pipoy si eyong ako haha”. Sa sobrang dilim e nagkakamali ka pa kaya wala kang pag-asang makataya. Kelangan mong mag-isip ng ibang gawin na lang na masaya rin para makaalis ka sa pagiging burot. Ang isang istayl e mag-aya ka na lang ng…
b) Kwentuhang nakakatakot – Dito bangka ang mga lider o kaya ang pinakamatanda sa grupo. Uupo kayo ng pabilog at magsisimula na ang kwento. Habang tumatagal ang kwento e unti-unti na rin kayong nagsisiksikan at natatakot na. “Nung pagtingin ko sa likod ko ay bigla kong may nakitang…..multooo!!!”. Yan palagi ang nagiging ending ng kwento. Dahan-dahan sasabihin ang linya tapos manggugulat sa huli. Yan ang palaging istayl sa pagkwento ng nakakatakot at epektib naman saming mga bata dahil nagugulat talaga kami.
c) Paglalaro sa kandila – Kanya-kanyang pagdaan ng daliri sa apoy yan. Ang labanan na lang dyan e kanino yung pinakaslo-mo ang pagdaan sa apoy ng daliri. Syempre ang mga lider e titiisin talaga ang init para sila ang may pinakamabagal na pagdaan ng daliri. Tinatanggal ko rin ang mga natuyong wax ng kandila na tumulo sa gilid. Pambato ko rin sa mukha ni emong yun.
Hindi lang rin naman mga batang kalye ang lumalabas. Special mention rin ang mga nanay. Pagkakataon nila ito para ma-update sila sa mga bagong tsismis sa lugar. Parang CNN na naman sila sa mga tsismis at balitang pinaguusapan nila. Kahit sa kabilang baranggay e alam nila ang nangyayari. Sino ang naghiwalay na mag-asawa, sino ang naputulan ng kuryente, sino ang drug addict, sino ang maraming utang at kung anu-ano pa. Walang makakalusot sa tsismisan ng mga nanay.
Yan ang mga pangyayaring nagaganap sa amin kapag walang ilaw. Hindi pala walang ilaw, walang kuryente. Hindi rin pala, wala palang power. Pakyu basta bran awt!
-Tikboy
Regal Presents na! Nakahanda na ang Pritos Ring ko at nakalagay na sa bawat daliri ng kamay ko. Automatic ko ‘yung kakainin habang nakasalukbaba sa kakanood ng isa sa mga paborito kong palabas sa TV.
“Ay anak ng animal!” sambit ng aking magaling na tatay. Ika-21 sunod na gabi na niya ‘yang sinasabi (araw-araw na-s-surprise e noh?).
Lintik na brownout bran awt. Wala nanamang ilaw. Mainit nanaman. Matagal na hintayan nanaman bago ko ulit maramdaman ang ihip ng hanging nagmumula sa aming lumang electric fan.
Grade 2 ako noon. Gabi-gabi nalang namamatayan ng ilaw ang Kamaynilaan at paulit-ulit kong nararamdaman ang pagkapikon. Pa’no ko mapapanood ang Baywatch? Talagang hindi pinroblema ang pag-aaral sa gabi eh.
Tatambad sa akin ang pintuan ng bahay namin, tila nag-iimbita nang lumabas. Maya-maya, nasa tapat na ng bahay namin ang dalawa kong paa. Maglalabas na ng mahabang silya ang kapitbahay at unti-unti nang mag-a-assemble ang mga bata’t matanda upang magkuwentuhan. Ayos!
Iba ang dating ng mga ordinaryong kwento kapag ikinukuwento ang mga ito tuwing brownout. Parang mas lumalakas ang imahinasyon ko. Syempre hindi mawawala ang mga takutan. At hindi rin nawawala ang mga nagpapanggap na hindi sila takot.
Isa sa mga kinahiligan ko noon e ‘yung pagpasok namin sa mga ginagawang bahay. Halos parati nga akong nasusugatan e, kakasabit ng binti ko sa mga bakal-bakal kapag sinumpong ako ng takot. Perfect hideout din ito kapag nagtataguan kame. Ewan ko lang kung kaya niyo pa akong hanapin.
Ang mga grupo ng tao, kadalasan, nasa tapat ng mga bahay nila. O nasa tindahan. O nasa dyip. Paulit-ulit na kwentuhang hindi nakakasawa gabi-gabi. Haaayyy…
Minsan e kapag tinamaan ka ng malas e madadatnan ka pa ng ulan. Ilabas na ang baraha! Pekwa, pusoy-dos, ungguy-ungguyan, at ang pinakasikat-1-2-3 pass! ‘Yan ang pampadagdag pawis sa katawan! Kundi dahil sa brownout, hindi sana ako naging hustler sa sugal.
Ang pinakahasel na parte ng gabi-ang pagtulog. Automatic ko nang kukunin ang pamaypay naming kulay brown para ipaypay sa sarili ko habang natutulog sa loob ng kulambo. Dahil sa mabait ako, minsan e umaasta akong electric fan para mapaypayan ang mga katabi ko sa banig. Swerte naman at minsan e may battery ang aming radyo at nakakapakinig ako ng mga sikat na programa sa AM stations.
“O kunin niyo na ‘yung kandila sa drawer.”
“Sa’n dito?”
“Nandyan lang! (medyo galit na)
“Wala eh…”
“E ‘di buksan mo ‘yung ilaw!”
“Wala pong ilaw…”
“O kunin niyo na ‘yung kandila sa drawer.”
-Tenco