Taong gabi ka ba o taong umaga?
Walang duda – panggabi ako.
Wala kang maaasahan sakin before 10am.
Walang akong gana kumain kapag maaga pa (before 10am). Kahit Blue Bay Tuna Timplado pa ang almusal ko (Lechon Paksiw Flavor), eh siguradong hindi ako aabot nang dalawang pinggan. After 10am, ayan, makaka-tatlong pinggan pa ako kahit kalahating lata na lang ng tuna ang natitira.
Hirap din ako ngumiti bago mag alas-diyes nang umaga. Kahit iharap mo sa Dolphy sakin eh hindi mo ako mapapatawa. Kahit ipakita mo sakin yung eksenang may nakataling tinapa sa gitna ng lamesa nina Babalu at Panchito at inaamoy lang nila yung ulam sabay subo ng kanin, eh malamang sa alamang, hindi pa din ako tatawa. Siguro, ngingisi nang konti pero hindi tatawa nang may tunog.
Ipakita mo ulit sakin yung saktong eksenang yun sa tanghali o sa gabi at siguradong bubuhos ang uhog ko sa kakatawa. Kaya ang galing ng Sine Klasiks sa Channel 5 non kasi after lunch siya pinapalabas. Lagi akong tawa nang tawa kina Dolphy, Babalu at Panchito. Pati sa pelikulang Robin Good (starring Jimmy Santos) eh tawang tawa ako.
Ano na nga bang sine ni Jimmy yung security guard siya sa isang village tapos isang araw, antok na antok siya. Eh kelangan niyang magbantay sa guard house. Kaya ang ginawa niya eh, nilagyan niya ng pekeng dilat na mata yung eyelids nyang nakapikit para habang tulog siya eh mukha siyang nakadilat. Bwahahaha! Klasik Jimmy!
Teka, ano na nga bang pinag-uusapan natin? Ayuuun – panggabi o pang umaga. Yun nga, hindi ako pang umaga for sure. Actually, never ata ako naging pang umaga nung prep to gr 3. Kaya ok sakin yun. Pero nung pagtungtong ko ng grade 4, e puta lahat kelangan nang gumising nang maaga. Ayun. Bwiset. Sarap manapak ng sanggol.
Pag gabi naman eh ok na talaga ang buhay ko. Anjan na ang kwentuhan sa lamesa habang kumakain,pag abang kay Manong Balot, kulitan at kung anu ano pang childhood afternoon-evening activities.
Mauutausan pa akong bumili ng yosi ng tatay ko tapos kung ano ang sukli eh pwede kong ipambili ng Choc-nut or pop-rice. Naaalala niyo ba yung pop-rice? Yung parang kanin na malutong na nakabilog na kulay dilaw? Sarap yun. Pag maliit ang sukli, eh CHoc-nut ang banat ko. Pero pag medyo malaki, e pop-rice naman. Tatlong bilog sa isang plastik yun e. Mga P3.50 ata yun dati.
Minsan pa, makakasabay ko si Jograd sa tindahan kasi nautusan din siya ng tatay niyang bumili ng Gold Eagle beer.
Tem-i: “Iinom nanaman mag-isa yung tatay mo?”
Jograd: “Oo, Tem. FPJ sa GMA na e.”
Tem-i: “Naaamoy mo ba yun?”
Jograd (tingin agad sa ilalim ng tsinelas niya): “Ay puta…”
- Tem-i
Pang-umaga at pang-hapon ako. Maaga akong natutulog sa gabi. Mga alas-9 pa lang tulog na ko e. Late na sakin ‘yung mga alas-10. Hindi naman ako masyadong mareklamo ‘pag ginigising ako nang maaga. Once gisingin na ‘ko, mabagal talaga ang kilos ko pero tuluy-tuloy. Uupo sa harap ng mesa. Kakain. Mag-t-tutbrash. Maliligo. Magbibihis. Kukunin ang baon. Papasok.
Parati akong pang-umaga sa skul. Isang beses lang akong naging pang-hapon, nung grade 2. Okay din kasi kahit paano e hindi ka gigising nang maaga. Mapapanood mo pa ang Asia Business News sa Channel 2, at Face the Music at Name that Tune sa Channel 9. At ‘pag alas-10 na, lipat agad ulit sa Channel 2 para sa cartoons na dinub nina Danny Mandia at Alex Agcaoili, ang pioneers ng industriya ng dubbing sa Pilipinas. Ang pinaka tumatak sakin nun e ‘yung Julio at Julia, Kambal ng Tadhana at Peter Pan. Ang sarap panoorin e. Feel na feel mo ang pagkabata mo ‘pag pinapanood mo ang mga ‘yan ‘di ba? Haaayyy sarap..
Habang nagsusuot na ‘ko ng sapatos bago pumasok sa skul e palabas na ang Teysi ng Tahanan. Okay din ‘tong panoorin kasi sanay na sanay mag-host si Ms. Tessie Tomas e. Swabeng swabe ’to sa panlasa ng sambahayang Pilipino. ‘Di ko na masyadong naaabutan ang Eagle’s Nest segment dahil baka ma-late pa ko sa skul.
Syempre kapag pang-umaga ka e alas-12 ang uwian mo. Pagkatapos mong kumain ng tanghalian e magpapahinga ka nang konte bago matulog habang patapos na ang bulagaan portion. Kapag Valiente na, kelangan e nakapikit na ang mga mata mo. ‘Di mo na masusubaybayan masyado ang magaling na aktres na si Odette Khan na gumanap bilang nanay ni Teo Braganza, ang mapusok na kontrabida opposite Gardo, na ginampanan ni Michael de Mesa. “Valiente… Valiente… Hinubog ka ng panahon. Valiente, Valiente…” Umabot pa ng ikalawang aklat. Klasik ka talaga, Gardo Valiente.
Kapag alas-4 na e pwede nang maglaro sa labas. Naka-school uniform pa ko pwera ang polo, lalabas na ko kasi jolen tournament na ng mga 4:00 – 4:45. Meron akong kalarong nakakainis ka sang asintado sa jolen e. Si Rap-Rap. Simpleng payabang kapag nakakasapul e. Parati pa nyang hawak ‘yung sando niyang may lamang mga napanalunang jolen. Bihira lang sigurong matalo ‘yun. Anyway, pagkatapos e basketball na ng mga alas-5 up to sawa. Kung anong ikinagaling ni Rap-Rap sa jolen e siya naming ikinasugapa niya sa basketball.
“Hoy mamasa ka naman!”
“Tira nang tira e!”
“Tangina mo nakawin ko jolen mo dyan e!”
Sinipa ‘yung garapon niya ng mga jolen. Iyak si Rap-Rap.
- Tenco
